Kasaysayan ng Reeve Foundation
Ang nagpaningas sa isang kilusan
Kuha ni Timothy Greenfield-Sanders
Nagsimula ang The Christopher & Dana Reeve Foundation noon pang 1982, noong si Henry Stifel, isang estudyante sa high school sa New Jersey ay nasangkot sa isang banggaan na nagresulta sa kaniyang pagiging paralisado sa edad 17.
Ang nagsimula bilang ang Paralysis Research Foundation na isinulong ng komunidad ay mabilis na naging ang American Paralysis Association (APA), pagkatapos magsanib-puwersa ng mga organisasyon para sa iisang layuini: ang hamunin ang paniniwala na ang gulugod, kapag napinsala na, ay hindi na kailanman gagaling o maaayos.
Ang mga nagtatag ng APA ay nagtaglay ng di-matitinag na paniniwala na kapag nagtulong ang mga tagapagsaliksik at neuroscientist, na makakahanap sila ng paraan upang ikonekta at muling patubuin ang mga napinsalang nerbiyo at selula na nagreresulta sa paralysis.
Noong 1995, noong ma-injure si Christopher Reeve, ang APA ang isa sa kauna-unahang lugar na binalingan ni Dana. Gaya nga ng sinabi ni Christopher, “Matagal na akong tagapagtaguyod ng mga kilusang pinaniniwalaan ko. Ngayon, ang kilusang ito ang nakahanap sa akin.” Pagdating ng 1999, nagsanib ang APA at ang foundation ni Christopher at naging Christopher Reeve Foundation, kung saan idinagdag ang pangalan ni Dana matapos ang kaniyang di-inaasahang pagpanaw noong Marso 2006.
Ang The Man of Steel
Si Christopher Reeve ay ipinanganak noong Setyembre 25, 1952 sa New York City. Noong 1955, lumipat sila ng kaniyang pamilya sa Princeton, New Jersey kung saan nagkaroon siya ng masayang kabataan. Nag-aral si Christopher sa Cornell University at pagkatapos, nagpatuloy sa Juilliard Drama School.
Dahil sa kaniyang angking kakayahan sa drama, napakaraming papel ang kaniyang nagampanan sa teatro, telebisyon at sa pelikula. Bagama’t nakilala siya ng mundo dahil sa kaniyang kahanga-hangang papel bilang si Superman, ang mga personal na nakakakilala sa kaniya ay natatandaan siya bilang higit pa kaysa sa isang natatanging aktor.
Di-pangkaraniwang ama si Christopher Reeve, mapagmahal na asawa, tagapagtaguyod ng karapatang pantao, napakahilig niyang makipagsapalaran, mapagmahal sa kalikasan, manunulat, direktor, at mahusay na piyanista. Piloto din siya na nakapagbiyahe nang dalawang beses sa buong Atlantiko, isang taong mahilig sa outdoor na nagsi-ski, nagsu-scuba, nagda-dive, naglalaro ng tennis, at namangka sa ilan.
Noong 1985, sa edad 33, nagsimulang mangabayo si Christopher at pagadating ng 1989, lumalaban na siya sa mga paligsahan at kasama dito ang cross-county jumping.
Mayo 27, 1995
Ang mga kaganapang nangyayari nang napakabilis ay kadalasang tila napakabagal para sa mga taong nakakaranas ng mga ito. Sa isang iglap, ang matipuno at malakas na si Christopher Reeve ay naparalisa dahil sa napakalubhang spinal cord injury, na ang kaniyang unang naisip ay baka mas mabuti pa para sa lahat kung siya ay mamatay na lang.
“Noong ibinulong ni Dana ang mga salitang iyon na nagligtas sa aking buhay, ‘Ikaw pa rin ‘yan. At mahal kita,’ higit pa ito kaysa sa personal na pagpapahayag ng katapatan at pangako. Parang paninindigan ito na ang kasal at pamilya ang sentro ng lahat, at kung hindi ito matitinag, gayundin ang iyong mundo.”
– Christopher Reeve
Dahil sa mga salitang iyon, piniling mabuhay ni Christopher Reeve. Matapos ang mga buwan ng nakakapagod na rehabilitasyon at therapy, umuwi si Christopher sa isang buhay na pamilyar sa kaniya ngunit bagong-bago.
“Sinimulan kong harapin ang bago kong buhay. Noong Thanksgiving noong 1995, umuwi ako para makasama ang aking pamilya nang buong araw. Sa garahe, noong makita kong muli ang bahay namin, umiyak ako. Niyakap ako ni Dana. Sa hapag-kainan, noong salitan kaming nagsalita ng tungkol sa aming mga ipinagpapasalamat, ang sabi ng 3 taong si Will ay, ‘Dad.'”
Isang bagong layunin
Ang saganang sigla ni Christopher ay walang katapusan at naipamalas niya ito sa lahat ng nakasalamuha niya. Ipinakita niya ang kaniyang katapangan sa ating lahat, sa pamamagitan ng kaniyang dedikasyon sa trabaho at sa kung paano siya nagpasyang mabuhay araw-araw. Walang nag-akalang magiging tagapagtaguyod siya ng spinal cord injury, ngunit alam niya na napakalaki ng kaniyang magagawa para sa mas ikabubuti.
“Naramdaman ko na may kailangan akong gawin – hindi lang para sa sarili ko kundi para sa lahat ng iba pang may katulad na kondisyon. Kahit na ginusto ko man (na hindi ko ginusto), hinding-hindi ko makakalimutan ang ibang mga pasyenteng nakilala ko sa rehab. Nakita ko ang napakarami nilang mga paghihirap at sakit. Hindi ako makauwi para igugol ang aking buhay sa sarili ko at sa aking pamilya, at balewalain ang realidad.”
Hindi nagtagal pagkatapos niyang makauwi, naghanap siya ng mga paraan para magamit ang kaniyang pangalan, ang kaniyang pagkaartista, ang kaniyang boses para udyukan ang mundo ng siyensya na mas magsikap at magtrabaho nang mas mabilis; para tumulong na mapakinggan ang komunidad ng mga pasyente at mas mapahusay ang kalidad ng kanilang buhay; at upang maimpluwensyahan ang mga mambabatas na dagdagan ang pederal na pondo para sa pagsasaliksik tungkol sa spinal cord injury.
Pagsasaliksik at kalidad ng buhay
Tumaliwas si Christopher sa kombensyonal na paniniwala. Bilang resulta ng kaniyang katapangan, kasikatan sa buong mundo, at ng kaniyang paniniwala na ‘walang imposible,’ si Christopher ay nagpasimula ng napakamakabuluhang pagbabago.
Dahil sa kaniyang pangunguna, naitatag at lumaki nang husto ang the Christopher & Dana Reeve Foundation, at muli nitong hinubog ang mundo ng pagsasaliksik sa pag-aayos ng gulugod. Sa ilalim ng kaniyang paggabay, ang mga programa sa pagsasaliksik ng Reeve Foundation ay naging triple, at sinasaklaw nila ang mula pangunahing kaalaman sa siyensya (pagsasaliksik sa molekula at selula) hanggang sa klinikal na pagsasagawa nito (pagsubok at paghahatid ng mga nakakapagbigay-pag-asang mga therapy sa mga pasyente). Halos hindi makahabol ang panustos sa napaningas niyang enerhiya.
Lumaban si Christopher upang madagdagan ang pagpopondo at ang atensyon sa pederal na antas, sa pamamagitan ng pagharap sa Kongreso bilang tagapagtaguyod ng mga pasyente. At habang nagpatuloy ang masigasig na pagsasaliksik, itinatag ni Dana Reeve ang programang Quality of Life Grants para tumulong sa mga organisasyong nagsisikap upang mas mapaganda ang kalidad ng buhay para sa mga taong dumadaan sa mga pang-araw-araw na hamon dahil sa kapansanan.
Upang matugunan ang mga indibidwal na pangangailangan sa kalidad ng buhay, itinatag nina Christopher at Dana ang Paralysis Resource Center (PRC). Bilang kauna-unahang sentro na ganito, ang PRC ay nagbibigay ng impormasyon sa mga tao sa buong mundo, na gustong-gustong makaalam tungkol sa paralysis, gaya ng mga update sa mga nangungunang gawain sa pagsasaliksik, mga pinagmumulan ng kagamitan at grupong pansuporta, mga sagot sa napakaraming tanong ukol sa insurance at burukrasya ng pamahalaan.
Kailanman ay walang naging tambalan na tulad ng kina Christopher at Dana – sila ay iginalang at minahal dahil sa kanilang propesyonal at personal na samahan.
Pamanang nababagay sa isang superhero
Ang pamana ni Christopher sa pamamagitan ng Reeve Foundation ay matatag at pangmatagalan. Nakakahiyang isipin kung paanong ang isang lalaking quadriplegic na umasa sa ventilator sa huling dekada ng kaniyang buhay ay nakapagbago ng mundo. At para rito, humanga kami at humahanga pa rin sa kaniyang pagkabayani.
“Noong unang lumabas ang Superman, napakaraming panayam ang napagdaanan ko para i-promote ito. Ang pinakamadalas na tanong ay: Ano ang bayani? Ang sagot ko ay, ang bayani ay isang taong gumagawa ng isang matapang na bagay ang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Ngayon, ang depinisyon ko ay ibang-iba. Sa palagay ko, ang isang bayani ay karaniwang indibidwal na nakakakuha ng lakas upang magtiyaga at magtiis sa kabila ng napakatitinding problema. Sila ang mga totoong bayani, gayundin ang mga pamilya at kaibigang hindi umiwan sa kanila.
Pumanaw si Christopher Reeve noong Oktubre 10, 2004. Sa edad na 52 lamang, napakaaga nito. Ipinagluksa ng mundo ang kaniyang pagpanaw, at nagbalik-tanaw tayong lahat sa mga alaalang iniwan niya para sa bawat-isa sa atin.
Tuwing Oktubre, kapag palapit na ang anibersaryo ng kaniyang pagpanaw, lahat tayo ay sumasang-ayon na: walang sinuman ang mas mahusay na kumatawan sa isang tunay na bayani liban kay Christopher Reeve. Walang panahon kailanman na nagkaroon ng ganito kalaking pag-asa na makakahanap din ng mga lunas at paggagamot para sa spinal cord injury.
Napagtanto ni Christopher na nasa atin ang enerhiya, at napapagtibay natin ang kaniyang pamana sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa kaniyang paglalakbay, sa ngalan ng milyon-milyong taong namumuhay nang may paralysis sa buong mundo. Ikinararangal naming ibahagi ang kaniyang pamana, at para sa kaniya, nagkakaisa tayong Sumulong.