Christopher Reeve
Aktor, direktor, at aktibista
Kuha ni Timothy Greenfield-Sanders
Ang aktor, direktor, at aktibista ay ilan lang sa mga salitang ginagamit para ilarawan si Christopher Reeve. Mula noong una siyang lumabas sa Williamstown Theatre Festival sa edad 15, nakapagtatag si Christopher ng reputasyon bilang isa sa mga pinakamagagaling na artista sa bansa.
Subalit, mula nang maparalisa siya sa isang kompetisyon sa pangangabayo noong 1995, hindi lang niya nabigyan ng mukha ang spinal cord injury, kundi, naudyukan ang mga neuroscientist sa buong mundo na sagupain ang pinakakomplikadong mga sakit ng utak at ng central nervous system.
Karera sa pag-arte
Noong magtapos siya sa Cornell University noong 1974, itinuloy ni Christopher ang kaniyang pangarap na umarte, at nag-aral sa Juilliard sa ilalim ng tanyag na si John Houseman.
Ang kaniyang unang pagpapasinaya sa Broadway ay sa A Matter of Gravity kasama si Katharine Hepburn noong 1976, pagkatapos ay ipinakilala ang kaniyang sarili nang may tunay na dedikasyon sa iba’t ibang papel sa entablado, sa pinilakang tabing at sa telebisyon.
Kasama sa maaaring idagdag sa kaniyang mga pelikula ay ang: Superman noong 1978 at ang mga kasunod na sequel nito, ang Deathtrap, Somewhere in Time, The Bostonians, Street Smart, Speechless, Noises Off, Above Suspicion at ang nanomina sa Oscars na The Remains of the Day. Kasama sa maaaring idagdag sa kaniyang mga pagtatanghal sa entablado ay ang: The Marriage of Figaro, Fifth of July, My Life, Summer and Smoke, Love Letters at The Aspern Papers.
Ang pagpapasinaya ni Christopher bilang isang direktor ay sa palabas na In the Gloaming sa HBO noong Abril 1997. Ang palabas ay pinagkaguluhan at nanomina para sa limang Emmys at nanalo ng anim na Cable Ace Awards, kabilang ang Best Dramatic Special at Best Director.
Ang kaniyang sariling talambuhay, ang Still Me, ay inilathala ng Random House noong Abril 1998, at nanatili sa loob ng kagulat-gulat na 11 linggo sa New York Times Bestseller List. Nanalo si Christopher ng Grammy para sa Best Spoken Word Album para sa kaniyang audio recording ng Still Me noong Pebrero 1999.
Sa kaniyang kauna-unahang papel mula noong siya ay maparalisa, si Christopher ay bumida sa makabagong bersyon ng klasikong thriller na Rear Window ni Hitchcock, kung saan siya ay nanomina para sa isang Golden Globe Award at nanalo sa Screen Actors Guild Award para sa Best Actor in a Television Movie or Miniseries. Siya din ang naging executive producer ng pelikula.
Ipinagpatuloy ni Christopher ang kaniyang trabaho bilang direktor para sa telebisyon at pelikula, at bilang tagapayo sa sining ng Williamstown Theatre Festival. Noong unang bahagi ng 2001, sinimulan niyang pagsamahin ang kaniyang mga gawain bilang direktor at aktibista noong magdirekta siya ng apat na patalastas na nagtampok kina Ray Romano, Randy Newman, Toni Morrison at kaniyang sarili para sa Johnson & Johnson, na nakatuon sa pagtulong sa mga magulang na makipag-usap sa kanilang mga anak. Sa taong iyon din, may ginawa siyang spot para sa American Red Cross na ipinagdiriwang ang pagiging boluntaryo.
Chairman o Nangungulo ng the Christopher Reeve Foundation
Noong 1999, itinalaga si Christopher bilang Chairman of the Board ng Christopher Reeve Foundation, na sa kalaunan ay naging Christopher & Dana Reeve Foundation pagkatapos ng di-inaasahang pagpanaw ng kaniyang asawa.
Ang The Christopher & Dana Reeve Foundation ay nakatalaga sa pagbibigay-lunas sa spinal cord injury sa pamamagitan ng pagpopondo ng makabagong pagsasaliksik, at pagpapahusay ng kalidad ng buhay para sa mga taong namumuhay nang may paralysis, sa pamamagitan ng mga gawad, impormasyon, at adbokasiya.
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, ang Reeve Foundation ang naging nangungunang foundation para sa pagsasaliksik sa gulugod, at napondohan nito ang ilan sa pinakamaaagang natuklasan sa pangunahing kaalaman sa siyensya, at pinabulaanan ang ilang siglo nang paniniwala na hindi na kailanman maisasaayos ang gulugod.
Bilang Vice Chairman ng National Organization on Disability (N.O.D.), pinagtuunan ni Christopher ang ilang mga isyu ukol sa kalidad ng buhay para sa komunidad ng mga may-kapansanan. Sa tulong ni Senador Jim Jeffords ng Vermont, naipasa niya ang 1999 Work Incentives Improvement Act, na nagbibigay-daan sa mga taong may kapansanan na makabalik sa trabaho at makatanggap pa rin ng mga benepisyo sa pagkabalda.
Si Christopher ay naglingkod sa Board of Directors ng World T.E.A.M. Sports, isang pangkat na nag-oorganisa at nag-iisponsor ng mga mapanghamon na kaganapan sa sports para sa mga atletang may kapansanan; ang TechHealth, isang pribadong kompanyang tumutulong sa ugnayan sa pagitan ng mga pasyente at mga kompanya nila sa insurance; ang LIFE (Leaders in Furthering Education) isang mapagkawanggawang organisasyon na sumusuporta sa edukasyon at mga oportunidad para sa populasyong kapos-palad.
Tagapagtaguyod
Maliban sa kaniyang gawain sa ngalan ng Reeve Foundation, kabilang sa adbokasiya ni Christopher ang mga sumusunod:
- Panghihikayat sa ngalan ng National Institutes of Health upang madoble ang badyet ng NIH sa loob ng limang taon. Bahagi na rin ng kaniyang pamumuno, tumaas ang badyet ng NIH mula $12 bilyong dolyar noong 1998 sa hanggang halos $27.2 bilyong dolyar noong 2003.
- Tumestigo siya sa harap ng Senate Appropriations Subcommittee on Labor, Health and Human Services, Education and Related Agencies para sa pagsasaliksik sa stem cell na popondohan ng pamahalaan.
- Siya ay naging kasangkapan at nakapagbigay ng napakamakabuluhang suporta para maipasa ang New York State Spinal Cord Injury Research Bill (7287C), isang mahalagang batas na nagbibigay ng hanggang $8.5 bilyon pondo taon-taon, na nakakalap mula sa mga paglabag ng mga batas ng estado sa pagmamaneho, at ipinamahagi ito sa mga nangungunang pasilidad ng pagsasaliksik sa New York. Nakalahok din si Reeve sa panghihikayat para sa mga katulad na batas sa New Jersey, Ketucky, Virginia at California.
- Hindi siya tumigil para makakalap ng pondo mula sa pampubliko at pribadong sektor upang magamot ang Parkinson’s, Alzheimer’s, MS, ALS, stroke, pati na rin upang maisaayos ang napinsalang gulugod.
- Tumulong siyang maitatag ang Reeve-Irvine Research Center sa UCI College of Medicine. Sinusuportahan ng center ang pag-aaral ng trauma sa gulugod at ang mga sakit na nakakaapekto dito, at binibigyang-diin ang pagpapaunlad ng mga therapy para mapalaganap ang paggaling at pagsasaayos ng nyurolohikal na kakayahan.
Isang bayani para sa maraming kilusan
Bago pa nagkaroon ng spinal cord injury si Christopher, kasangkot na siya sa komunidad at politika. Sa loob ng maraming taon, siya ay nagsilbi bilang pambansang tagapagsalita sa ngalan ng sining, pagbabago ng pagpipinansya ng kampanya, at ng kapaligiran.
Siya rin ang nagtatag at ang co-president ng The Creative Coalition, tinulungan niya tayong isagawa ang recycling sa New York City at kombinsihin ang Senado na maglaan ng isang bilyong dolyar para maprotektahan ang supply ng tubig ng lungsod.
Mula 1976, aktibo ang kaniyang pakikilahok sa Save the Children, Amnesty International, Natural Resources Defense Council, The Environmental Air Force at America’s Watch. Noong 1987, nagprotesta siya sa Santiago, Chile, sa ngalan ng 77 aktor na binantaang patayin ng rehimeng Pinochet. Dahil dito, Si Christopher ay nabigyan ng Obie Award noong 1988 at ang taunang award mula sa Walter Briehl Human Rights Foundation.
Ang kaniyang pangalawang libro, ang Nothing is Impossible: Reflections on a New Life, ay inilathala ng Random House noong Setyembre 2002. Ang rendisyon sa audio ng Nothing is Impossible ay nagbigay kay Christopher ng kaniyang pangalawang nominasyon sa Grammy para sa Best Spoken Word Album.
Gayundin, isang dokumentaryo tungkol sa kaniyang adbokasiya at landas tungo sa paggaling na pinamagatang Christopher Reeve: Courageous Steps ay ipinalabas sa ABC television sa Amerika. Ang dokumentaryong ito ay dinirekta ng panganay na anak na lalaki ni Reeve na si Matthew, at ipinamahagi sa buong mundo.
Noong Setyembre 2003, pinarangalan si Christopher ng Mary Woodard Lasker Award for Public Service in Support of Medical Research and the Health Sciences na mula sa Lasker Foundation. Napili si Christopher para sa parangal na ito ng isang hurado ng mga iskolar at siyentipiko dahil kinilala siya para sa matalino, tuloy-tuloy at magiting na adbokasiya para sa medikal na pagsasaliksik sa pangkalahatan, at partikular para sa mga taong namumuhay nang may mga kapansanan.
Noong Agosto 2004 natapos ni Christopher ang kaniyang pagdidirekta sa kaniyag pinakabagong proyekto, ang The Brooke Ellison Story. Ang pangtelebisyong pelikula na ito ng A&E na hango sa katotohanan na ipinalabas noong Oktubre 24, 2004, ay batay sa librong Miracles Happen: One Mother, One Daughter, One Journey. Naging quadriplegic si Brooke Ellison sa edad 11, ngunit dahil sa determinasyon at suporta ng kaniyang pamilya, nadaig ni Ellison ang kaniyang kapansanan at nakatapos sa Harvard University. Ang gumanap sa pelikula ay sina Mary Elizabeth Mastrantonio, Lacey Chabert at John Slattery.
Pumanaw si Christopher Reeve noong Oktubre 10, 2004, dahil sa pagpalya ng kangyang puso. Nasa 52 taong gulang siya noon. Si Christopher ay may naulilang mga anak na sina Matthew, Alexandra, at Will, at ang lahat ay aktibong kasangkot ng the Christopher & Dana Reeve Foundation.